wow! this was actually posted almost a year ago and now i’m reviving the post, so refreshing!
ang sarap talaga alalahanin ng mga ginagawa namin nung bata pa kaming magkakapatid at magpipinsan, usually pag summer school break/vacation at ilan sa mga ito ay:
- manungkit ng camachile habang nasa bubong ng kamalig madalas sa tanghali malilom kasi dun eh… at ang challenge dun eh kung pano ka makakaakyat sa bubong ng kamalig kasi medyo mataas din yun siguro mga nasa 4ft yung pinakamababa na parte ng bubong hehehe ako usually, uunahin kong ihagis yung mga tsinelas ko sa bubong at nakapaa akong tumutuntong sa dalawang patong ng hollow blocks kapit sa haligi at yung konting hingal nasa bubong nako… o kaya kung gusto mong matinik ng konti dun sa kabilang side—kung san mas mataas at nakadikit ang matinik na puno ng camachile, meron din dung kahoy na tuntungan na may mga nakausling pako. at paano kamo bumaba? pipili ka lang ng lalim ng tatalunin mo dun sa sigurado kang dika mababalian hehehe wala kasing tuntungan pababa eh…
- maghanap ng batibot sa buhangin ng kamalig
- umakyat at tumambay sa puno ng bayabas, syempre habang kumakain din ng bunga ng bayabas
- tumambay sa bangka sa aplaya, may malaking bangka kasi ang lolo namin na ginagamit sa pagsalok sa baklad at pangangahig ng suso sa laguna bay kaya pag di ito ginagamit at nasa tabing-dagat lang, ayun tinatambayan namin lalo sa umaga o sa hapon kung kailan walang masyadong init ng araw
- manguha ng bulaklak ng water lily (water hyacinth)
- gumawa ng maliit na balsa gawa sa tangkay at dahon ng water lily (water hyacinth)
- mag-abog ng puno ng kamatis sa umaga
- mamitas at maglako ng kamatis sa mga kapitbahay, at bukod dito bago umalis o pagdating sa bahay nagpapapak muna kami ng kamatis na nilagyan ng asin - mamulot ng itlog ng mga itik na alaga ng lolo namin
- manguha ng kuhol sa mga palayan (pampakain sa mga itik), syempre ito yung mga palayan na walang tanim na palay, di pa naaararo at may konting tubig
- manguha ng butete sa palayan pagkatapos umulan
- sarap sumakay sa paragos
- tumambay sa bubong ng kamalig
dun sa mga di familiar sa mga words na ginamit ko, ito ang ilan sa ibig sabihin, if not, yung pinakamalapit na description na naiisip ko:
camachile - prutas na matamis, minsan mapakla, kamukha ng sampalok pero green ang balat at exposed ang mga puting (minsan pink, o mapula) butil na parteng kinakain
batibot - di ito yung television show, basta alam ko insect ‘to pero diko alam kung bakit batibot ang tawag namin hehehe… di naman sya nangangagat o kung ano basta medyo mahirap sya mahuli kasi magaling at mabilis pumailalim sa pinong buhangin
mag-abog - diko alam kung san nanggaling ang salitang ito pero ang alam ko pag sinabing mag-abog eh hukaying ang lupa sa paligid ng puno ng kamatis papunta sa base ng puno para daw di agad matumba ang puno kasi malambot lang ang puno ng kamatis diba lalo na pag maliit pa lang
paragos - sasakyang gawa sa kawayan na hinihila ng kalabaw, ginagamit lalo na kapag panahon ng anihan, dito sinasakay ang mga saku-sakong palay na inaani at dinadala sa bodega o sa silong ng bahay
originally posted (May 8, 2010)